Eopy Deyto

Namumukod tangi ang Hubad sa Ilalim ng Buwan sa lahat ng gawa ni Lav Diaz. Ang naging tunguhin lamang ng pelikulang ito ay ang ugnayang pampamilya, kaya naging napakapersonal na gawa ito. Ito ang isang gawa niya na hindi mo basta-basta maikukumpara sa iba pang mga pelikula.

Si Lerma (Klaudia Koronel) ay lagi na lamang naglalakad ng tulog kaya napagdesisyunan ng kaniyang mga magulang na ikandado ang kaniyang kuwarto tuwing gabi. Sa kanilang paglipat na muli sa kanilang dating tirahan ito nagbalik, kaakibat nito ang pagbabalik ng kanilang mga dating alalalahanin, problema, at suliranin sa sarili, pamilya at sa pakikitungo sa iba.

Nagtuon ang pelikula ng pokus hindi lamang sa pangunahing karakter, ngunit maging sa iba pa. Isa itong pinabigat na dramang-pampamilya. Pamilya ang isang isyung mahilig pagtuunan ng pansin ng mga Pilipino. Maging masama man ang tunguhan o hindi.

Ang mga simbolismo sa pelikula ang kumatawan sa bawat katauhan, sa simula pa lamang ay makikilala mo na kung anong uri ng mga tao sila. Isa iyon sa kagandahan ng estetika ni Diaz, hindi mahirap unawain. Talagang inilalapit niya ang kaniyang kaisipan sa kaisipan ng madla. Walang katotohanan ang mga paratang tungkol sa elitismo ng kaniyang mga pelikula. Kung tutuusin, mas masa pa ang mga akda niya kaysa sa mga bagong usbong na mga mamemelikula.

Kung sa tuwiran ay marahil talagang sasabihin nating personal na kuwento ito. Sa aking palagay, ay nangangailangan pa ito ng mas masusing pagsusuri dahil sa katauhan ng iba pang pelikula ni Diaz, ay marahil may iba pang gustong sabihin ang pelikulang ito.