Epoy Deyto

 

Maraming kadahilanan ng kalungkutan. Marami ding kinahihinatnan ito. Ang literal na salin sa Filipino ng salitang “melancholia” ay kalungkutan. At ang obrang ito ni Lav Diaz ay walong oras na meditasyon sa kalungkutan.

Maaari nating mahati ang pelikula sa tatlong segments: una, ay ang kwento nila Alberta (Angeli Bayani) at Rina (Malaya) sa Sagada. Iba ang persona nila nung mga panahong nasa Sagada sila, Si Alberta, na sa katotohana’y isang Guro, ay gumanap na isang puta, at si Rina naman ay gumanap na madre; ikalawa, ang segment matapos ng immersion nila at nakabalik na sila sa Maynila kasama si Julian (Dante Perez), tumatayong lider ng kanilang grupo; at ikatlo, ang pakikipagsapalaran ni Renato nang ipinaghahanap na siya ng militar.

Hindi malayo sa akin ang kwento ng Melancholia. Pumapatungkol ito sa kwento ng mga Desaparecido at ng kanilang mga pamilya (na pawang mga biktima), at ang nagiging epekto nito sa bawat aspeto ng pagkatao ng bawat isang biktima. Si Alberta may hindi na inaasahang makita pa ang asawang si Renato matapos itong mawala sa kabundukan mga pitong taon n’ang nakalipas, ang hinahanap niya’y katarungan. Marami na kong nababasang kwento tungkol sa mga Desaparecido, kapag wala kasi akong magawa at walang pelikula, nagbabasa ako ng kung ano ang mapulot ko, o di kaya’y manunuod ng tv.

Ito ang unang epiko ni Lav Diaz na nakumpleto ko. Punong-puno ng diskursong pilosopikal. Parang unti-unting naglelecture sa kin. Hehe. Pagdating sa kwento, ang pinakanagustuhan ko ay yung diskusyon nila Julian at nung manunulat (Bodjie Pascua) tungkol sa kaniyang ipinasa niyang nobela para i-publish. Kung saan dinetalye nila ang malaking kasalanan ng industriya ng pelikula sa lipunan.

Tinapos ko to hanggang sa credits. Napansin ko lang na ang sinematograper at ang editor ay si Diaz din. Maganda ang kuha sa sinematograpiya, pinakanagustuhan ko ay yung naka upo si Julian sa umaagos na mababaw na ilog at yung kuha nuong binabaril na yung mga kasamahan ni Renato sa ilog.

Tulad ng Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino, may ilang piling wirdong eksena din dito. Hindi ko malimutan yung babaeng kumakain ng pahina ng libro. Weird.

Ayon sa interbyu noon ng namayapang si Alexis Tioseco kay Diaz, ang style na gustong ipakita ni Diaz sa manunuod ay ang paglalapat niya ng Pilosopiya sa kaniyang mga pelikula na ang mga Pilipino ay hindi saklaw ng konsepto ng oras, bagkos, ng kalikasan. Na malapit tayo sa kalikasan, na kabahagi tayo nito. Nakita ko ito sa paggamit niya ng Black-and-white aesthetics at longtakes. Hindi man pilitin, mapapakawing ang paningin mo sa iba pang parte ng screen kapag pinapanuod mo ang mga long takes ni Diaz. At sa paggamit ng Black-and-White, walang diskriminasyon at distinksyon na nangyayari sa pagitan ng kalikasan at ng tauhan. Ang nangyayari’y, lahat ay gumagalaw, lahat ay may tinig, lahat ay iisa. Ang tauhan ay bahagi ng kalikasan.

Kung kakayanin, uulitin ko pa ang panunuod nito para sa mas matindi pang pag-analisa ng pelikula. Hindi nasayang ang walong oras ng panunood ko, hindi rin ako na-bore. Bagkos, hindi ako mapalagay nung ipinapanuod ko ito, totoong tungkol ito sa kalungkutan. Nararamdaman ko ito kahit na duon sa pagtugtog ng Brockas. Ang mga tauha’y hindi lang nagpapakita ng kalungkutan, ang bawat pangyayari mismo’y nagkukuwento ng kalungkutan.

Advertisements