Dennis Calvan

Isang Maikling Reaksyon sa Isang Mahabang Pelikula ni Lav Diaz

 

Melancholia. Maaga pa lamang ay nasa sinehan na ako ng Gateway Mall para sa tampok na pelikula ng Cinemanila ngayong 2008. Bitbit ang aking baon na 2 cheeseburgers at 1 litro ng C2, Masaya akong bumili ng tiket bagamat may kamahalan. Php301 pesos ang tiket pero ano ba naman ito kumpara sa natatangi at kaisa-isang public viewing ng pelikula ni Lav Diaz na nanalo ng Orizzonti Prize sa Venice Film Festival. Dapat nag-umpisa ang pelikula ng 12 ng tanghali subalit nagkaroon ng aberya. Mag aalas dos na nang malaman namin na mayroong teknikal na problema. Digital kasi ang pelikula at mukhang hindi mabasa ng DVD player ang unang bahagi ng 9 na oras na pelikula ni Direktor Diaz. Nagpaumanhin ang mga namamahala at sinabing sisimulan ang pagpapalabas sa ikalawang bahagi na ng pelikula. Bagay na hindi naman ikinatuwa ng ilang nagtangkilik. May ilan din namang humingi ng refund. Binalak ko rin sanang mag-refund buti na lamang at nanaig pa rin ang aking kagustuhang mapanood ang pelikula. Hindi naman kami binigo dahil sa kahulihan, ipinalabas pa rin ang unang bahagi ng pelikula. Sa aking akala, mukhang ayaw lang talagang ipalabas ng namamahala sa Gateway dahil sa ilang eksenang mainit na pagtatalik ng babae at lalaki. Napakiusapan na lang siguro ng ilang tao na higit sa eksena ay ang mensahe na ipinapakita ng pelikula. At higit sa lahat, mas mahalaga ang pelikulang ito kaysa sa mga pelikulang High School Musical at Body of Lies na kasabay na ipinalabas. Malalim ang kwento. Madilim. Malungkot.

Melancholia. Tungkol ito sa 3 magkakaibigan na sina Rina, Julian at Alberta na pawang nakikipagsapalaran sa gulong ng palad bilang mga naghahanap sa kani-kanilang minamahal na mga desaparecidos. Dahil sa labis na kalungkutan at pangungulila, dumaan sa proseso ng paglubog o immersion ang kani-kanilang personahe. Kakaiba ang immersion nila sapagkat nagpapanggap sila sa isang lugar na walang makakakilala sa kanila. Kaya si Rina, isang nangungulilang asawa, ay nagpanggap na madre na namamalimos para sa mahihirap. Si Julian, isang manunulat at publisher, ay nagpanggap bilang isang bugaw. Si Alberta naman, isang prinsipal ng pampublikong paaralan, ay nagpanggap bilang isang puta. Sa Sagada nila napagpasiyahang gawin ang kanilang paglubog, ang Sagada na kilala bilang isang lugar ng pagpapagaling ng mga pagal na katawan at kaluluwa. Ang mga katauhan nina Rina, Julian at Alberta ay larawan ng lahat ng nagdadalamhati, nangungulila at nagmamahal na mga kaibigan, asawa, kapuso at kapamilya ng mga desaparecidos. Subalit inilalarawan din nila ang kinahitnan ng isang bayang sawi. Isang baying patuloy na nangangapa, nagagalit, nababaliw at naghahanap ng katahimikan sa dilim.

Melancholia. Tungkol ito sa atin. Sa mga madre, pari, burgis, mahirap, mayaman, mangmang, may pinag-aralan, babae, lalaki, tomboy, bakla, bata, matanda, rebolusyonaryo. Tungkol ito sa pamamayagpag, pagbagsak, tagumpay, pagkatalo. Tungkol ito sa sari-saring emosyon ng isang bayan na naghahanap ng pagkakakilanlan. Katulad ng mga tauhan, kailangan ng ating bayan na harapin ang nakaraan, tuligsain ang mapaniil na nakagawian at hayaang maghilom ang sugat na gawa ng karahasan ng kasaysayan. Katulad ng pangwakas na tagpo ng pelikula, naghahanap pa rin tayo ng pagkakakilanlan. Ayaw pa rin nating tanggapin ang nakaraan. Ayaw pa rin nating tanggapin na tayo ay si Julian.

Melancholia. Inaaanyayahan tayong mag-isip, magmuni muni kung baga tungkol sa ating nararamdamang kalungkutan.Inaanyayahan tayong tuminigin sa ating sariling kahinaan, mga pighati at karupukan. Ika nga ng isang karakter sa pelikula, ang kasiyahan ay isa lamang konsepto. Sa katunayan, araw araw pilit tayong kumakalawa sa kalungkutan na bumabalot sa atin. May katapusan ba ang kalungkutan? Ayon sa pelikula, wala. Para sa akin, wala.

Melancholia.