Epoy Deyto

“Kung pag-aari ko lang ang lumbay

Itatago ko siya habangbuhay

Wala nang inggit, wala nang galit”

– Mula sa “Cuida” ng Sugarfree

Naalala ko yung linya sa awit nung bago ako magsimulang isulat ang artikulong ito. Kung ako lang ang masusunod, syempre, gusto ko, masaya ang mundo. Walang nalulungkot. Magkakasama lagi ang mga nagmamahalan, ang magkakapamilya. Walang agawan, walang kasinungalingan, walang pagdaramot, lahat nagbibigayan. Siyempre napaka-ideyal di ba. Kabaliktaran ng sa katotohanan: magulo, maingay, malungkot. May madamot, may nagugutom, naghihirap at namamatay. At ang katotohanang iyon ang madalas kong nakikita sa mga gawa ni Lav Diaz.

Hindi ko alam kung bakit ko nakalimutang ipaalala sa sarili ko na asahan nang ma-depress, dahil gawa ni Lav ang papanuorin ko. Hindi ko pa man napapanuod lahat, ay nagkakaroon na ako ng ideya kung ano ang maaaring asahan sa isang pelikula ni Lav Diaz.

Hindi maayos ang pakiramdam ko matapos ko mapanood ang Ebolusyon, para bang may bagay na kinuha sa ‘kin. Parang isang malaking bagay iyon na kailan ma’y maaaring hindi na maibalik. Isang bagay na nagtanggal sa kin ng kasiyahan, isang pagmulat sa isang kalagayang dapat noon pa’y umunlad na.

Kung tutuusin, marami nang mga mamemilikula ang tumalakay sa mga isyung tinalakay ng Ebolusyon, marami na ring gumamit ng parehong teyorya sa pagtanaw. Ang Social Realism ay may pagka-palasak sa ating mga kontemporaryong pelikula, kahit noon pa. Ngunit iba ang paggamit ni Lav Diaz sa teoryang ito.

Sa aking pagtanaw, naiba ang paggamit ni Diaz sa pagpapakita nito ng mga solusyon sa mga sosyal na problema at sa mala-direktang pagpapamalas ng kasalukuyang kalagayan ng mga tauhan sa pelikula sa mga manunuod.

Ang pinakanaaalala kong paggamit nito ay sa mga gawa ni Brocka noong 80’s, lalo sa Orapronobis. Kung saan direktang pinakita ang solusyon na nais ipabatid ng kwento at maging ang kawastuhan nito. Ganon din sa Jaguar at sa Bayan Ko: Kapit sa Patalim. Sa mga makabagong pelikula naman, naging isa sa mga mahahalagang ambag sa Social Realism sa pelikulang Pilipino ang Kubrador ni Jeffrey Jeturian. Naalala ko lang noon na may isang propesor noon sa aming pamantasan na pinuna ang kawalan ng solusyon sa mga problemang ipinakita sa buong pelikula. At halos naging ganon din ang kinalabasan ng iba pang mga gawa na may bahid ng Social Realism sa makabagong panahon.

Iba ang naging lapit ni Lav Diaz dito. Napansin ko na noon pa na laging ipinapakita ni Diaz ang problema, mapa-sosyal o personal. Nandiyan din ang kaniyang pagtingin sa kahirapan, at sa sistemang sosyal at politikal. Naipapakita din ang mga mungkahing solusyon, ngunit hindi naging sarado sa rebolusyon lamang. Ipinakita ang kawastuhan at kabuktutan ng bawat solusyon.

Ang bawat problema at solusyon ay napapaikot sa tatlong salita sa pamagat ng pelikula:

Ebolusyon

Sinusundan natin dito sa pelikula ang pagunlad at pagbabago ng bawat tauhan. Si Reynaldo (Elryan De Vera), noong pagkabata’y nasa piling ng inang si Gilda (Marife Necesito), na nasiraan ng bait dahil sa mga pinagdaanan nito sa buhay. Nakikipamuhay sila sa kaniyang tiyong si Kadyo (Pen Medina) at sa kaniyang lola. Maraming mga nangyaring kaugnay ng kanilang kalagayan ang nagpumilit na nakapagpabago sa kanilang mga buhay. Nakulong si Kadyo dahil sa salang pagnanakaw, si Reynaldo naman ay nakipamuhay na sa ibang kamag-anak.

Isa sa pinakamagandang tampok ng pelikula, maaaring dahil sa di sinasadyang pagkakataon, ay nakita natin na ang bidang si De Vera ay talagang lumaki sang-ayon sa kuwento. Gawa ito ng mahabang agwat ng pagsisimula at pagtatapos ng produksyon nito. Maaari ngang hindi sinasadya, ngunit maganda ang naging resulta.

Pamilya

Hindi lamang pamilya ang naitampok sa kuwento. Una ay ang tunay na pamilya ni Reynaldo, sila Kadyo at Gilda. Pangalawa ay ang pamilyang umampon kay Reynaldo matapos nitong maglayas.

Pinakita rin nito ang kaibahan, at pagbabago ng bawat pamilya sa nagdaang panahon. Kung papaano naaapektuhan ng bawat desisyon ang relasyon ng magkakapamilya. Mapaliit man o malaki.

Pilipino

At sa huli, tinignan ng pelikula kung ano na ang pinagbago ng lipunang Pilipino. sa pagitan ng kurso ng produksyon mula 1994 hanggang 2004, nagkaron ng mga kaguluhan at tatlong termino ng mga pangulo. At sa mga nagdaang mga panahon pa, malaki na ang ipinagbago ng lipunan. Sa ikinabuti ba ang pagbabago? Ilan ba ngayon sa ‘tin ang mulat at may pakialam? At ilan ba sa ‘tin ngayon ang mas abala pa sa pag-aayos ng sarili, pagpunta sa mga rave parties, pagtatrabaho at pagkita para sa sarili, at pangdadaot sa kapwa?

Sa loob ng maglalabing isang oras ko na panonood nito, ay labis kong nadama kung ano man ang nais iparating ng pelikula. Madalas minimal lang sa detalye ang mga pelikula ni Diaz. Unti ang close up, walang film score, at unting sound effects. Napaka-natural sa pakiramdam. Mararamdaman mo ang kalungkutang bumabalot sa bawat sitwasyon. Ang matalas na raing ng pag-asa. Ang pag-hiyaw ng katarungan.

Hindi ko alam kung papaano dumating sa ganitong pagtanaw si Diaz. Magpasahanggang ngayon, ang mapagkumababang artistang ito ay nananatiling isang malaking misteryo para sa kin. Ang kasagutan marahil ay nandoon pa sa iba pa niyang mga gawa at gagawin. Maging siya ay nagnanais na ang bawat Pilipino’y mapanood ang kaniyang munting handog para sa lahi, kung hindi lamang dahil sa paghadlang ng kalagayan niya bilang isang naghihikahos na alagad ng sining, ay marahil, hindi na lamang ang mga katulad ko ang nag-iisip-isip ng ganito.

Nawa ang buong bayan ay lumaya.